Makinig ka... IKAW na sumagasa't iniwang duguan at luray-luray ang aking halaga bilang isang TAO!
TULA NG ISANG TAMBAY
(ni pidot)
Simpleng bagay, walang buhay...
Anong kahulugan?
Lansangang patungo kunsaan-saan;
Lika… lakad tayo kaibigan,
Baybayin ang aral ng bawat daan.
Pili ka. Punta tayo’t tiyak
Saan man may kwentong madaratnan.
Patintero sa lansangan, buhay Pinoy ‘yan!
Pedestrian ‘di ginagalang, isinasa-alangalang;
Masakit pero dapat kamuwangan.
Oyst! Ingat ka lang
Baka mahagip ka riyan
Diskarte ang kaylangan
Kung gustong marating ang patutunguhan!
Pulitika ng lipunan
Umaalingawngaw sa lahat ng daang bayan!
Huuy, importante yang mayayaman,
Laging pinapauna sa mga daanan,
Habang kumportableng nakaupo't ligtas
Sa loob ng kani-kanilang
matutuling astig na sasakyan.
Bangketang tao businahan lang…
Sa dumi ng baha’y walang pakundangang tilamsikan;
Oo’t agawan rin ng daraanan
Sampahan, parkingan
Mga bangketa… kung tamarin man
O tamaan ng kakuriputan
Gumastos sa tamang paradahan.
Mga naglalakad na may kapansanan o kahinaan
Paakyati’t papapanaugin
Sa matarik, nakakalulang tulay-bakal;
Nakakasulasok pa ang mga makabalandrang mukha
Ng naglalakihang paalala raw
Na ang proyektong ito’y kay ganito’t
Ayun nama’y kanya.
Anong ipinag-mamadali?
Anong mas masidhi…
At ipagpaliban ang karapatan,
Ginhawa’t kaligtasan
Ng mga taong nagtitiis sumiksik
Sa nangagkakaliitang mga daang
Tila laan na lang sa mga sasakyan?
Manipestasyon kaya ito
Ng kabuuang kalagayan ng sambayanan?
Representasyon kaya ito
Ng tunay na pagtingin
Sa mga uri sa lipunan?
Ang maalwan at mas may kapalaran
Dapat laging lalong pinagbibigyan?
Kalakarang baluktot
Sumisino… sumisino
Prayoridad Pilipino
Sinu-sino? Sinu-sino?
D’yan kayo’t kami rito!
Magtiis ang mga makalyo
Walang eskaleytor babaan n’yo!
Pasasaan ba’t palaring tao
Na makahawak ng manibela
Mangarap ring matikman nito
Rumampa sa daan na animo
S’yang hari rin
kahit lang nga sa ganito.
Pangilagan rin gaya ng mga amo.
Ang mga puti,
Laluna ang mga kano,
Pasasakayin ang mga yan sa pinakamagarbo
Ipuprusisyo’t ililibot
Sa pinakamagagarang puntahan dito.
Kawayan pa’t ngitian habang nakayuko…
Ano itong kalokohang Pilipino?
Direksyong Pinoy raw liku-liko…
Daan nya’y baku-bako… daang mabaho.
Lansangan n’yay mabangis, NAKAMAMATAY, delikado.
Mababasa nga naman talaga ito, masdan mo…
‘Hoy b’wiset! BAWAL ANG TAO RITO!
Lintek subukan… babambuhin kita’t
Nakawan ng paninda, makita mo!
Liliitan… liliitan…
Daang-tao ng mga pamayanan
Lalaparan, lalakihan
Mga dambuhalang bubungang lansangan.
Turuan-turuan sa kunsino ang may kasalanan
Ibintang sa karitong nakahambala,
Sa pipi’t bulag na nanunuktok ng mga bintana.
Diliman… diliman…
Mga kalangitan,
Itiman, bugahan…
Baga ng buong sambayanan
Nitong aninong maitim ng "kaunlaran".
Karbon na’ng hinihinga ng
Kawawang walang pribilehiyong karamihan.
Ang umaangkas sa may kapangyarihan
sa ekonomya't pulitika
Ay silang hanging lasong nagpapalala ng ating kultura
Hanep sa pagkabihasa sa pagpapa-lusot sa mga pananamantala
Wan tu tri sa estribo ng bayan, kanilang sistema
Bantay-salakay... walang prinsipyo...
walang delikadesa
Patayin na ang lahat
makabenta lang ng gatong
Panatilihin ang pagkatali sa luma na't
dekadenteng pagpapatakbo ng sibilisasyon
Mala-apokaliptong pagbabago ng panahon
Kahihinatnan ng mga susunod na henerasyon
'Di adyenda ng mga totoong diyablo
Sige’t dagdagan… dagdagan…
Walang humpay na dagsa
Ng sarplas na sasakyan
Mga walang pakundangan!
Isabatas pagtatambak
Ng hala… lahat-lahat na
Ng mga basura ng ibang bayan.
‘Tutulan!’
Palahaw ng mga nagmamartsa sa daan.
‘Diregulasyon sa langis,
Buwagin!’ ang panawagan.
‘Taasan… taasan…
Subsidiyo sa mga pangagailangan’.
‘Gumising bayan! Ipaglaban ang mga karapatan!’
Padaan… padaan! Sino raw ang daraan?
"Tumabi sabi, mga patay-gutom
na wala nang ibang alam!
Bombahan! Posasan mga nanggugulo
sa daloy ng mga sasakyan,
Lahat bambuhin!!!" Tugon ng mga pulisya’t
kunong nanunungkulan.
Nagsisikip mga dibdib,
Umiinit mga bumbunan.
Nabubulunan, nahihirinan…
Lalupang nagbubuhol
Ang trapiko ng lipunan
Ano nga ba ang mayro’n dun sa unahan?
‘di natin banda rito maintindihan?
Sino ang pasimuno?
Sino dapat ang ituro?
Mga pampasaherong ng-aagawan ng pasahero?
Mga pribadong tig-isa lang ang lulang tao?
Mainit... maalinsangan ang isyung ito,
Walang piyok ang mga angkasero!
Kani-kaninong palagay ang giniginto?
Hanggang saan?
Hanggang kailan
Mawawala ang banggaan?
Kailan matatapos ang bangayan?
Ang mga malisyosong kampihan?
Anong halaga pa ang babayaran
Para sa putol at 'di inuugnay na mga daan?
Gaano pa kalaki't
Sino ang magpapautang?
Sino ang magbabayad?
Sino ang makikinabang?
Ang may maiksi o minalas
Na walang gagap sa teknolohiya
Wala nga bang puwang sa pagkamit ng pag-asa?
Ang byahe'y 'di dapat maghanggan sa masama,
Ang marapat ay dugtungan ng mabubuting sanga,
Kahungkagan sa trapiko ng buhay at lipunan
panahon nang iwaksi... wakasan!
Ang maselang pisi ng moralidad
na nag-uugnay ng pag-asa ng lipunan
Laging lingunin sa likura't hinaharap... sa kaliwa't kanan
Lahat ng buhay ay naglalakbay
Lumalangoy, lumilipad, nagkalalakad,
Lumiliko, nahihinto, nagkakasabay
May nagkakabangga... may nagbababa't nagpapasakay
May napuputol... natatapos at may dapat na ring i-ibang ruta
May nagsisimula... may muling nagpapadayon at mahalagang itakda
May dahilan at rasyunal ang bawa't pagpapasya
Subali't sana'y magising na
Sa kabila ng kumplikasyon ng pagkasanga-sanga
Ng mga ugat na daluyan ng dugo ng bansa
Buhay ng mayorya ay laging mas mahalaga
Kaysa anumang dambuhalang makinarayang aasta-asta
Isakatuparan, pairalin ang tunay na demokrasya
At nang sa dulo ay maluwalhating lahat ay magkita-kita
Tao sa tao...
Mata sa mata...
Puso sa puso...
Isang araw na payapa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment