Thursday, December 11, 2008

Si Marky bilang aral

Umaalingawngaw ang mapanglaw na tunog ng tambuli. Isang anak ng angkang Pilipinong may dalisay na dugo ang pumanaw. Tumatangis rin ang kordilyerang tahanan ng mga ninuno... 'di pa tupad ang tadhana.

Ganito ko gusto isipin kung anong aral ang maaaring kunin sa maagang pagpanaw ng isang batang batang alagad ng kontemporaryong kulturang si Marky Cielo.

'Di ko kabisa ang tinakbo ng kanyang maikling panahon sa larangan ng pag-arte, bagaman isa rin ako sa mga manggagawang pangkultural na nasiyahan sa tinamong estado ng aktor na isang katutubong Pilipino, ilang taon pa lang ang nakalilipas.

Nakapanghihinayang. Marahil ay may malalaki pa siguro siyang mga pangarap... mga layuning mas lalong magpapatingkad pa sana ng kanyang katangian bilang isang representante ng kanyang lahing katutubo.

Marami rin siyang mga 'di na mare-reyalisang tungkulin sa pangkalahatang kultura nitong bayan... mga tungkuling nagmamadali na sapagkat unti-unti na ring nalulusaw ang mga natitirang maaaring paghugutan ng lehitimong impluwensya sa progresibong pagpapa-unlad ng kulturang Pilipino.

Pero... gaya ng iba pang mga nawala na sa atin, 'di panghihinayang ang dapat nating ipabaon kay Marky kundi kamulatan.

Sa ngayon... isa munang Marky ang magmumula sa hanay ng ating mga batayang sektor. Nawa'y maging inspirasyon siya sa marami pang tinaguriang 'marginalized people' at balang-araw... gaya ng mga taga-Bolivia, uusbong na rin mula sa atin ang mga bagong pinuno lipunan.

At para naman sa lahat ng iba pang alagad ng kultura, dapat natin siguro laging isa-isip na wala nang ibang pang panahon kundi ngayon na na marapat ilaan ang tunay nating pagsasa-puso ng ating mas mahalaga pang tungkulin sa lipunan.

Wala nang iba pang panahon para magpaliban muna sa ngayon at magpati-anod na lang sa kumpas ng mga may kapangyarihang magdikta ng kung paano at kung saan dapat tumungo ang kulturang Pilipino.

Maaaring 'di maagang pagpanaw ang maging katapusan ng ating pagkakataong magawa ito... maaaring (kung sa mga artistang gaya ni Marky) pagka-laos o 'di kaya naman ay tuluyang pagkalulong na sa prestihiyong tinatamo sa larangan.

Sa gaya naman ng iba pang mas ordinaryong manggagawang pangkultural, maaari namang malusaw na lang ng mga pang-ekonomiya at iba pang isteryotipikal na mga isyu ang anumang ideyalismo natin sa huli kung sa mas maaga pa lang na panahon ay 'di na makasanayang isa-praktika.

Ang totoo... madalas, kaya't maraming artista na gaya ng naroon sa mainstream ang nawawala na lang sa sirkulasyon ay marahil sa kadahilanan pang wala kasi silang malalim na pinaghuhugutan ng kanilang integridad... o niyayakap na mabigat na layunin para patuloy na pagbutihin ang sarili at pagsikapang manatili sa pakikipag-sapalaran sa larangan.

Kahit pa nga sa ano mang larangan... kung walang nakikitang mahalagang layunin ang isang tao kung bakit pinili niya ang kanyang daan, walang motibasyon para sa kanya upang pahalagahan ang gawaing iyon... walang rason para 'career-in' kumbaga. Kaya yun... parang palutang-lutang na lang ang marami sa atin at laging handang magsalitang 'trabaho lang...'. Bagut na bagot na... wala nang inspirasyon... Nagta-trabaho pero tinatamad. Wala nang ambisyon.

Kapag nakaririnig ako ng iba na nagsasabi namang wala na silang mahihiling sa buhay o wala na silang iba pang makitang ambisyon... parang kinikilabutan ako. 'Di ba't para ka nang kandidato na rin para mamayapa? 'Di ko mawari kung paanong sa gitna ng mga krisis sa paligid ng mga taong ganito kung mag-isip... nasasabi nilang wala na silang ibang nakikitang paglaanan ng kanilang buhay at kakayanan.

Papaanong ang isang tao... lalo na ang isang artista ay nagkaka-edad at 'di dumarating sa puntong aawas na ang saklaw ng kanyang interes mula sa kanyang sarili lamang at iisipin na rin ang kapakanan ng iba?

'Di naman sinasabing wala nang pagkakataon ang mga nakapag-sayang na ng kanilang panahon at buhay sa larangan ng sining at kultura. Mahirap rin ngang tanggapin ang tipikal nang husga sa atin ng iba (laluna ng ilang mga nakatatanda) na nagsasayang lang tayo ng mga potensyal natin sa 'pa-art art na yan!' 'Di ba?

Ang totoo, walang 'age limit' ang pagbabago at pagtutuwid ng sarili kung totoong gugustuhin... sino ka man. Tao rin lang ang naglilimita sa atin kundi man tayo mismo sa ating mga sarili.

Marami ang rason, kung aalamin mo talaga, kung bakit gugustuhin mo at patuloy mong kailangang maging artista. 'Di mahirap intindihin. Buksan lang ang mga mata at ang kunsensya. Maraming mabigat na dahilan kung bakit gugustuhin nating humawak ng bolpen at papel... gitara at anupamang instrumento... ng kamera... ng pinta at canvass... ng mikropono... magtanghal sa entablado o kung ano pa.

Ang tao at ang mga reyalidad ng buhay nating mga Pilipino ang pinaka-lehitimong dahilan kung bakit kailangan mong ipahayag lahat ng iyong damdamin sa piniling larangan. Maraming kwento ang nasa paligid natin araw-araw. Maraming kulay at himig. At ang panahon ay ngayon na.

Tinanong mo na ba ang sarili kung bakit nariyan ka? Ano ang rason mo? Kung tama ba ang mga pinag-gagagawa mo? Kung gaano kalaki ang itinutulong mo sa kabutihan ng iba pa? Kung ano yaong nagawa mo na kahit paano, sakali mang bigla ka ring mawala na?

Ang bawat artista ay may kapangyarihan. Ang kapangyarihang ito ay ang katangi-tangi nating abilidad na maghubog ng kultura sa kalakhan. 'Di ba't napaka-laking responsibilidad? Kaya nga't mahalagang lagi nating batid kung tama ba o nakalalason ang ating ginagawa bilang mga alagad ng kultura... dahil maaari nitong sirain o payabungin ang diwa ng mga tao.

Mula sa araw na ito... umpisahan mo nang palagiang tanungin ang sarili kung paano mo magagawang makiambag sa ikabubuti ng pangkalahatan... sa larangan mo man lang. Ang totoo, maaari namang pagsabayin ang sarili at ang iba pa... kung gugustuhin.

Malaki man o maliit ang pinanghahawakan nating mga oportunidad sa buhay para makagawa ng buti, ang tanong naman talaga ay kung ginagamit natin itong pagkakataong ito. Madali kasi ang magsabi na ang dami pa nating mga prayoridad o problemang pansarili. "Bumibuwelo pa ako".

'Di naman talaga ito mauubos hangga't tayo ay nabubuhay.

'Di rin tayo mauubusan ng rason kung wala talaga tayong paki sa iba kundi sa sarili lang nating ikaiigi.

May nariyan ngang mga kumikita ng higit na higit pa sa pinagsama-samang kinikita ng mas maliliit na kasamahan sa larangan at 'di pa rin nakakaramdam ng sapat. Ang mga bulsa nila ay mabilis na napupuno sa paggawa ng walang saysay na mga gawain. Isang raket lang... ang halagang tinatanggap nila ay katumbas ng mahigit isang dekada nang aabuting pag-ipunan ng ilang kasamahan sa industriya.

Ang dami ring mga kaartehan sa sarili ang maaaring maging mababaw na rason para 'di maubusan ng pansariling mga interes.

Kaya kailan ka nga libre na?

Muli... anong aral nga ang mahahanap ko sa naging tagumpay at maagang pagkawala ni Marky?

Sa tingin ko, ay mas lalo akong naging pursigidong tuparin ang papel ko sa lipunan. Walang nakaaalam sa atin kung kailan tayo mawawala dito sa mundo. Ayokong isiping lilisan ako na wala akong iiwang ambag sa tunay na ikauunlad ng lipunan.

Mapalad si Marky dahil kahit sa pagkakataon lang ay naging isang malaking pangungusap para sa lahat ng mga katutubong Pilipino ang kanyang pinagmulan.

Ako? Anong kontribusyon ko? Tayong mga naririto pa at 'di pa ubos ang pagkakataon... anong magagawa natin? Pagdating ng panahon... papaano natin gustong maalala ng iba?

Artistang Pilipino... maglingkod tayo sa bayan. Ngayon na. Dinggin natin ang palahaw ng tambuli ng ating lipi.

Malaon nang nanganganib ang ating kultura at patuloy na lumulubha. 'Di Mo ba napapansin?

Baka kasi... naaaliw ka.

Sunday, November 2, 2008

EXPLOITATION

Nitong mga huling linggo, nalagay ako sa isang sitwasyong nagyanig muli sa pananaw ko sa sariling pagpapahalaga bilang isang indibidwal at manggagawa.

Mahirap ang malagay sa ganitong sitwasyon... challenge yung mapag-isip ng maigi kung saang punto mo sisisihin ang sarili (o marapat ba?) o paano ka nagkamali sa isang ethical issue.

May mga tao kasing may malaking atraso sa akin 'di lang sa usapin ng pananalapi kundi sa marami pang iba't-ibang lebel.

Oo... nagsimula lahat sa eksploytasyon.

Matapos ang mahigit isang ikot ng mundo sa araw, napagsikapan ko na sanang kalimutan muli ang isa pang masamang karanasan sa pagta-trabaho. Kahit masakit at mabigat na buntal talaga sa dignidad, nagawa ko naman mag-'move on' na sana kumbaga.

Pero ang mga ganitong mga gawa ng kasamaan... tila yata parang kati na pabalik-balik. Somehow, it found it's way back to squeeze the old wound. Mahabang istorya pero nagtunggali uli kami ng mga mapagsamantala.

Nagawa akong i-harass nitong makapal ang mukha at walang budhing nilalang na ito at siya pa ang may ganang magbanta ng demanda sa'kin.

October 25, kinatok ako ng tauhan ng may-ari ng apartment at hinahanap daw ako ng dalawang lalaki na nagsabing taga-law office daw sila somewhere sa malapit sa QC hall, informing me na itong prodyuser nga ng pelikulang ginawa ko last year ay maynagbabalak magdemanda sakin ng 'libel'.

I'd really like to think na tactic lang sakin ito para ma-pacify. Pero, i've also decided na 'di ako pai-intimidate. Anong ibang democratic means pa ang kaya pa bang gawin ng isang underprivileged na gaya ko? Wala akong yaman para magdemanda. Kung kaya ko, eh 'di noong umpisa pa lang ay ginawa ko na. Pero siguro sinikap ko rin na isiping kung tunay na may plano silang bayaran ako gaya ng ina-argue ng manggagamit na iyon... sa loob ng isang taon, babayaran nila ako. Syempre 'di nangyari yun.

Ipinalabas ang pelikulang katas ng dugo, utak at lakas ko isang araw matapos yung pananakot... at anim na araw naman pagkatapos niyon... walang paghahabla.

Iniisip ko... 'di rin siguro siya talaga tanga para ituloy iyon dahil alam niya na mapapatunayan ko ang krimen nila sa akin. Bukod pa rito... sa totoo lang, madali para sa akin na lumantad sa midya at isiwalat ang isyu.

Mabibigyan ko pa ng mukha ang lumalalang eksploytasyon ngayon sa independent film making. Marami na ang nagdurusa sa kasakiman ng ilang may pribilehiyong 'di nangingiming ibalasubas ang buong industriya at kapatiran.

Hanggang ngayon, kahit patuloy uli ako sa pakikipag-sapalaran sa kalakarang pinili sa buhay... ang hirap pagsikapang isipin kung saan at paano ko huhugutin ang pagtitiwalang muling sa iba at makibahagi sa kaunlaran ng pelikulang Pilipino.

Ang exploitation... hindi lang ito isang simple at linear na isyu. Masalimuot ang pagkasirang dinudulot nito.

Paano nga ba ang gagawin kung nangyari na na ma-exploit ka? In reality, what really are your options?

And when you 'give it a rest' na lang... talaga bang matatahimik ka na? Tama bang maging pasive na lang sa mga ganito? 'Di kaya mas lalong ini-empower mo ang mga mapaglabis?

Ako? I used to believe it's almost too easy to fire back. Ngayon... i'm not that confident anymore.

Unfair right?

Pero kapag nasa sitwasyon ka na kahit ang mga pangunahing pangangailangan mo ay mahirap na ngang punan... gaano ka pa kalakas para isama ito sa mga kailangan mong pagtagumpayan?

I've always been a fighter. Pero 'di ko alam kung umurong na tapang ko. Ang totoo... mahirap aminin pero siguro habang tumatanda ka... mas lalo kang nagiging totoo sa sarili mo at sa mga ibang bagay na kaakibat ng iyong pamumuhay.

Kailangan ko pa siguro ng mas mahabang panahon para aralin ang mga bago kong karanasan.

Ang kasabihan nga 'di ba... (at talaga nga namang) "prevention is better than remedy", siguro... gusto ko na lang muna pansamantala magbahagi ng mga puntos sa iba ring may kagustuhang magpelikula.

Una siguro... if you're new to film production, the first thing you should do is to try to ask around for opinions and advices from friends and others who have already been in the trade before agreeing to be in one and sign a contract.

Also, do not forget to find the names of the big players in the production (re: producer/s; filmmaker/s) in the contract they are giving you... importante yun kasi syempre sila ang producers ung pelikula.

Ang totoo... maswerte ka na nga kung bigyan ka nila ng kontrata, marami dyan ang talamak na talaga at ubod kapal ng mukha na gagawa ng pelikula, wala naman palang kakayanan.

And...!!!

Note that the one responsible for taking care of the contract is NOT you. It is the Producer/Line-producer's job. The only things you have to take care of are your requirements for notarization (re: residential certificate #/ SSS #/Barangay clearance if needed).

Syempre madaling sabihin ng mga filmmakers na kung ayaw mo ng mga kondisyon eh di wag kang sumali sa amin...

...pero di ito ang punto. Kung pai-intimidate ka... wala kang ginagawa sa paglala ng exploitation sa pelikula.

We should not let ourselves be bullied by people who use intimidation tactics to get away with crime. Walang kupas para sa kanila ang alibi na 'for art's sake' at mangyari na ang mangyari... basta kailangan magawa nila ang gusto nila... yurakan man ang mga karapatan ng ibang umaasa rin sana sa pag-unlad ng kanilang estado (mapa-karera man o pinansyal ito).

Ang pinaka huli mong dapat asahan ay yung 'baka makunsensya naman...', kapatid... mas malamang kesa hindi, walang konsepto ng budhi ang marami riyan sa pelikula.

Alam ny'o, may iba pa nga riyang magku-kwento pa sa iyo na kesyo noong araw nga raw ay naisip ng iba na magsakripisyo ng ilang buhay mismo para sa mas malaking kawsa. Ang totoo... 'di naman nila naiintindihan nag pinagsasabi nila.

Kung ang iniisip ng mga ito ay ang konsepto ng radikal na pamamaraan... paumanhin at tila yata napag-iwanan na sila ng panahon.

Tinalikdan na ang lumang radikal na kaisipan kahit ng mga may prinsipyong rebolusyonaryo. Kaya nga halimbawa ang dating 'feminism' na may konsepto ng pakikipagkumpetensya ng matriyarkal na lakas sa patriyarkal na sistema ay iniwasto na ng makabagong 'women's liberation'. Ang urban na insureksyon ay iwinaksi at binalikan ng rebelyon ang 'protracted people's war'...

...kung alam man ang mga bagay na ito ng magagaling na nagpapaka-radikal pa kuno. At gumagamit pa ng mga rasong himig pulitikal. Lamang ay magmukhang may malalim na layunin para i-justify ang kanilang mga makasariling interes.

It's really not hard to tell which one's truly doing a worthy advocacy... at karapat-dapat suportahan. 'Di kailangan maging maalam sa mga usaping pulitikal. Ibase mo na lang ito sa pamamaraan ng kanya/kanilang produksyon. Kung nararamdaman mong 'di makatarungan ang mga kundisyon at wala kang ibang mabi-benefit mula rito, mag-isip ka na kung gusto mo i-subject ang sarili sa ganung arrangement. lalong 'di ka rin ini-orient sa layuinin ng proyekto at
At lalong dapat bago pa man magsimula ang lahat, dapat ini-orient kayo sa mga layunin ng proyekto. Sa ganoon malalaman ang rasyunal ng sinasabing 'advocacy project' ni Kuning at Kunong.

Ang nagsasabi ng art for art's sake ay mga ipokrito... kundi ignoranteng pilit nagmamagaling. Nagkukubli pa sa kung anu-anong dahilan ng karuwagan dahil 'di maamin ang totoong motibo na makasarili.

Ang reyalidad... ang sining ay di para sa sining.

PARA ITO SA TAO.

Ang sining dapat ay naglilingkod sa ikauunlad ng kamalayan ng tao at wala ng iba pa. Anumang iba pang rason ay malabnaw.

Kung ang isang likha ng sining ay walang mabuting idudulot sa tao at pakinabang para sa ikauunlad ng kamalayan na siyang pinaka-importante sa mundo... isa itong basura.

Walang ibang makikinabang rito kundi ang bugal lamang ng may gawa nito.

Dahil ang totoo, matagal na ngang nakalas ang kapangyarihan ng studio system sa paggawa ng pelikula pero parang sandali lang nagkaroon ng magandang ideyalismo sa panibagong kalakaran sa pagpe-pelikula. Kung ako ang tatanungin, mas maigi pa nga siguro na makatrabaho sa isang mainstream production dahil alam mong may malaking seguridad ka't pinangingilagan ng mga itong magkaroon ng mga legal na reklamo.

In independent film production... there's virtually no boundaries. Nakasanayan na rin kasi -dahil natutong magpalitan ng tiwala ang mga tao rito- na walang 'papel'. Madalas rin na talagang 'di nasusunod ang standard na mga kasunduan dahil maliit lang talaga ang kapital na hawak ng filmmaker.

Dahil nga alternatibo at inaasahang ang mga inisyatibo na naggagatong na gumawa ng mga proyektong ito ay upang matapatan ng 'bago' ang mga tradisyon at stereotypes sa paggawa pelikula (be it form and/or substance)... marami ang naaakit magbigay ng suporta sa mga ito. Subali't natural na inaasahan din ng mga ito na gagawin din sa kanila ng tinulungan ang sumuporta sa panahong sila naman ang gagawa ng kanilang proyekto.

Kung ang inaasahan ng iba riyan at iniisip na 'wala lang, gusto lang ng iba na sumali sa kung anumang prestihiyo ng paggawa ng pelikula', nagkakamali sila.

Guys... (when it's your turn to come up with your own film project)

NEVER EVER THINK THAT IT'S ALL ABOUT YOU!

The best you can do is to at least share as much as you can to all of the people who have contributed to YOUR cause.Kung talagang walang kakayanang pinansyal... dapat ay may ibang paraang maibabahagi ang benepisyo ng produksyon. Hindi maaaring maubusan ng paraan. Dahil pagba-baliktarin mo man ang mundo... ikaw at ikaw pa rin sa huli ang mag-isang lubos na makikinabang sa pelikula mo.

Ang totoong may mabuting adhika sa kanyang proyekto... sa puno pa lang nito, nasasalamin na ang kalinisan nito.

May pamosong kasabihan sa midya. Parang ganito iyon...

'wag na 'wag mong tataluhin kahit sino sa mga nakatrabaho mo sa industriya kung ayaw mong maglaho ang mga ambisyon mo bago pa man magsimula ang kaganapan nito.

Maliit lang talaga ang mundong ginagalawan ng mga tao rito. Now if you ever get lucky in your career... yun lang naman ang basehang prinsipyo. Makakatulog ka ng mahibing sa gabi, knowing that you never did anyone harm on your way up.

Sanasabi rin nga ng lahat sa industriya... 'magkikita pa rin tayo.'

Kung ang isyu ng ethics ay nakabalot na sa puno pa lang ng produksyon... anong buti ang maaari pa nitong ibunga?

Ang bagay na mali ang ubod... mali at mali saan man anggulo.


PIDOT

TULA NG ISANG TAMBAY

Makinig ka... IKAW na sumagasa't iniwang duguan at luray-luray ang aking halaga bilang isang TAO!



TULA NG ISANG TAMBAY
(ni pidot)


Simpleng bagay, walang buhay...
Anong kahulugan?
Lansangang patungo kunsaan-saan;
Lika… lakad tayo kaibigan,
Baybayin ang aral ng bawat daan.
Pili ka. Punta tayo’t tiyak
Saan man may kwentong madaratnan.

Patintero sa lansangan, buhay Pinoy ‘yan!
Pedestrian ‘di ginagalang, isinasa-alangalang;
Masakit pero dapat kamuwangan.
Oyst! Ingat ka lang
Baka mahagip ka riyan
Diskarte ang kaylangan
Kung gustong marating ang patutunguhan!

Pulitika ng lipunan
Umaalingawngaw sa lahat ng daang bayan!
Huuy, importante yang mayayaman,
Laging pinapauna sa mga daanan,
Habang kumportableng nakaupo't ligtas
Sa loob ng kani-kanilang
matutuling astig na sasakyan.


Bangketang tao businahan lang…
Sa dumi ng baha’y walang pakundangang tilamsikan;
Oo’t agawan rin ng daraanan
Sampahan, parkingan
Mga bangketa… kung tamarin man
O tamaan ng kakuriputan
Gumastos sa tamang paradahan.

Mga naglalakad na may kapansanan o kahinaan
Paakyati’t papapanaugin
Sa matarik, nakakalulang tulay-bakal;
Nakakasulasok pa ang mga makabalandrang mukha
Ng naglalakihang paalala raw
Na ang proyektong ito’y kay ganito’t
Ayun nama’y kanya.

Anong ipinag-mamadali?
Anong mas masidhi…
At ipagpaliban ang karapatan,
Ginhawa’t kaligtasan
Ng mga taong nagtitiis sumiksik
Sa nangagkakaliitang mga daang
Tila laan na lang sa mga sasakyan?

Manipestasyon kaya ito
Ng kabuuang kalagayan ng sambayanan?
Representasyon kaya ito
Ng tunay na pagtingin
Sa mga uri sa lipunan?
Ang maalwan at mas may kapalaran
Dapat laging lalong pinagbibigyan?

Kalakarang baluktot
Sumisino… sumisino
Prayoridad Pilipino
Sinu-sino? Sinu-sino?
D’yan kayo’t kami rito!
Magtiis ang mga makalyo
Walang eskaleytor babaan n’yo!


Pasasaan ba’t palaring tao
Na makahawak ng manibela
Mangarap ring matikman nito
Rumampa sa daan na animo
S’yang hari rin
kahit lang nga sa ganito.
Pangilagan rin gaya ng mga amo.


Ang mga puti,
Laluna ang mga kano,
Pasasakayin ang mga yan sa pinakamagarbo
Ipuprusisyo’t ililibot
Sa pinakamagagarang puntahan dito.
Kawayan pa’t ngitian habang nakayuko…
Ano itong kalokohang Pilipino?


Direksyong Pinoy raw liku-liko…
Daan nya’y baku-bako… daang mabaho.
Lansangan n’yay mabangis, NAKAMAMATAY, delikado.
Mababasa nga naman talaga ito, masdan mo…
‘Hoy b’wiset! BAWAL ANG TAO RITO!
Lintek subukan… babambuhin kita’t
Nakawan ng paninda, makita mo!

Liliitan… liliitan…
Daang-tao ng mga pamayanan
Lalaparan, lalakihan
Mga dambuhalang bubungang lansangan.
Turuan-turuan sa kunsino ang may kasalanan
Ibintang sa karitong nakahambala,
Sa pipi’t bulag na nanunuktok ng mga bintana.

Diliman… diliman…
Mga kalangitan,
Itiman, bugahan…
Baga ng buong sambayanan
Nitong aninong maitim ng "kaunlaran".
Karbon na’ng hinihinga ng
Kawawang walang pribilehiyong karamihan.

Ang umaangkas sa may kapangyarihan
sa ekonomya't pulitika
Ay silang hanging lasong nagpapalala ng ating kultura
Hanep sa pagkabihasa sa pagpapa-lusot sa mga pananamantala
Wan tu tri sa estribo ng bayan, kanilang sistema
Bantay-salakay... walang prinsipyo...
walang delikadesa

Patayin na ang lahat
makabenta lang ng gatong
Panatilihin ang pagkatali sa luma na't
dekadenteng pagpapatakbo ng sibilisasyon
Mala-apokaliptong pagbabago ng panahon
Kahihinatnan ng mga susunod na henerasyon
'Di adyenda ng mga totoong diyablo

Sige’t dagdagan… dagdagan…
Walang humpay na dagsa
Ng sarplas na sasakyan
Mga walang pakundangan!
Isabatas pagtatambak
Ng hala… lahat-lahat na
Ng mga basura ng ibang bayan.

‘Tutulan!’
Palahaw ng mga nagmamartsa sa daan.
‘Diregulasyon sa langis,
Buwagin!’ ang panawagan.
‘Taasan… taasan…
Subsidiyo sa mga pangagailangan’.
‘Gumising bayan! Ipaglaban ang mga karapatan!’

Padaan… padaan! Sino raw ang daraan?
"Tumabi sabi, mga patay-gutom
na wala nang ibang alam!
Bombahan! Posasan mga nanggugulo
sa daloy ng mga sasakyan,
Lahat bambuhin!!!" Tugon ng mga pulisya’t
kunong nanunungkulan.

Nagsisikip mga dibdib,
Umiinit mga bumbunan.
Nabubulunan, nahihirinan…
Lalupang nagbubuhol
Ang trapiko ng lipunan
Ano nga ba ang mayro’n dun sa unahan?
‘di natin banda rito maintindihan?


Sino ang pasimuno?
Sino dapat ang ituro?
Mga pampasaherong ng-aagawan ng pasahero?
Mga pribadong tig-isa lang ang lulang tao?
Mainit... maalinsangan ang isyung ito,
Walang piyok ang mga angkasero!
Kani-kaninong palagay ang giniginto?


Hanggang saan?
Hanggang kailan
Mawawala ang banggaan?
Kailan matatapos ang bangayan?
Ang mga malisyosong kampihan?
Anong halaga pa ang babayaran
Para sa putol at 'di inuugnay na mga daan?


Gaano pa kalaki't
Sino ang magpapautang?
Sino ang magbabayad?
Sino ang makikinabang?
Ang may maiksi o minalas
Na walang gagap sa teknolohiya
Wala nga bang puwang sa pagkamit ng pag-asa?


Ang byahe'y 'di dapat maghanggan sa masama,
Ang marapat ay dugtungan ng mabubuting sanga,
Kahungkagan sa trapiko ng buhay at lipunan
panahon nang iwaksi... wakasan!
Ang maselang pisi ng moralidad
na nag-uugnay ng pag-asa ng lipunan
Laging lingunin sa likura't hinaharap... sa kaliwa't kanan


Lahat ng buhay ay naglalakbay
Lumalangoy, lumilipad, nagkalalakad,
Lumiliko, nahihinto, nagkakasabay
May nagkakabangga... may nagbababa't nagpapasakay
May napuputol... natatapos at may dapat na ring i-ibang ruta
May nagsisimula... may muling nagpapadayon at mahalagang itakda
May dahilan at rasyunal ang bawa't pagpapasya

Subali't sana'y magising na
Sa kabila ng kumplikasyon ng pagkasanga-sanga
Ng mga ugat na daluyan ng dugo ng bansa
Buhay ng mayorya ay laging mas mahalaga
Kaysa anumang dambuhalang makinarayang aasta-asta
Isakatuparan, pairalin ang tunay na demokrasya
At nang sa dulo ay maluwalhating lahat ay magkita-kita

Tao sa tao...

Mata sa mata...

Puso sa puso...


Isang araw na payapa.