Umaalingawngaw ang mapanglaw na tunog ng tambuli. Isang anak ng angkang Pilipinong may dalisay na dugo ang pumanaw. Tumatangis rin ang kordilyerang tahanan ng mga ninuno... 'di pa tupad ang tadhana.
Ganito ko gusto isipin kung anong aral ang maaaring kunin sa maagang pagpanaw ng isang batang batang alagad ng kontemporaryong kulturang si Marky Cielo.
'Di ko kabisa ang tinakbo ng kanyang maikling panahon sa larangan ng pag-arte, bagaman isa rin ako sa mga manggagawang pangkultural na nasiyahan sa tinamong estado ng aktor na isang katutubong Pilipino, ilang taon pa lang ang nakalilipas.
Nakapanghihinayang. Marahil ay may malalaki pa siguro siyang mga pangarap... mga layuning mas lalong magpapatingkad pa sana ng kanyang katangian bilang isang representante ng kanyang lahing katutubo.
Marami rin siyang mga 'di na mare-reyalisang tungkulin sa pangkalahatang kultura nitong bayan... mga tungkuling nagmamadali na sapagkat unti-unti na ring nalulusaw ang mga natitirang maaaring paghugutan ng lehitimong impluwensya sa progresibong pagpapa-unlad ng kulturang Pilipino.
Pero... gaya ng iba pang mga nawala na sa atin, 'di panghihinayang ang dapat nating ipabaon kay Marky kundi kamulatan.
Sa ngayon... isa munang Marky ang magmumula sa hanay ng ating mga batayang sektor. Nawa'y maging inspirasyon siya sa marami pang tinaguriang 'marginalized people' at balang-araw... gaya ng mga taga-Bolivia, uusbong na rin mula sa atin ang mga bagong pinuno lipunan.
At para naman sa lahat ng iba pang alagad ng kultura, dapat natin siguro laging isa-isip na wala nang ibang pang panahon kundi ngayon na na marapat ilaan ang tunay nating pagsasa-puso ng ating mas mahalaga pang tungkulin sa lipunan.
Wala nang iba pang panahon para magpaliban muna sa ngayon at magpati-anod na lang sa kumpas ng mga may kapangyarihang magdikta ng kung paano at kung saan dapat tumungo ang kulturang Pilipino.
Maaaring 'di maagang pagpanaw ang maging katapusan ng ating pagkakataong magawa ito... maaaring (kung sa mga artistang gaya ni Marky) pagka-laos o 'di kaya naman ay tuluyang pagkalulong na sa prestihiyong tinatamo sa larangan.
Sa gaya naman ng iba pang mas ordinaryong manggagawang pangkultural, maaari namang malusaw na lang ng mga pang-ekonomiya at iba pang isteryotipikal na mga isyu ang anumang ideyalismo natin sa huli kung sa mas maaga pa lang na panahon ay 'di na makasanayang isa-praktika.
Ang totoo... madalas, kaya't maraming artista na gaya ng naroon sa mainstream ang nawawala na lang sa sirkulasyon ay marahil sa kadahilanan pang wala kasi silang malalim na pinaghuhugutan ng kanilang integridad... o niyayakap na mabigat na layunin para patuloy na pagbutihin ang sarili at pagsikapang manatili sa pakikipag-sapalaran sa larangan.
Kahit pa nga sa ano mang larangan... kung walang nakikitang mahalagang layunin ang isang tao kung bakit pinili niya ang kanyang daan, walang motibasyon para sa kanya upang pahalagahan ang gawaing iyon... walang rason para 'career-in' kumbaga. Kaya yun... parang palutang-lutang na lang ang marami sa atin at laging handang magsalitang 'trabaho lang...'. Bagut na bagot na... wala nang inspirasyon... Nagta-trabaho pero tinatamad. Wala nang ambisyon.
Kapag nakaririnig ako ng iba na nagsasabi namang wala na silang mahihiling sa buhay o wala na silang iba pang makitang ambisyon... parang kinikilabutan ako. 'Di ba't para ka nang kandidato na rin para mamayapa? 'Di ko mawari kung paanong sa gitna ng mga krisis sa paligid ng mga taong ganito kung mag-isip... nasasabi nilang wala na silang ibang nakikitang paglaanan ng kanilang buhay at kakayanan.
Papaanong ang isang tao... lalo na ang isang artista ay nagkaka-edad at 'di dumarating sa puntong aawas na ang saklaw ng kanyang interes mula sa kanyang sarili lamang at iisipin na rin ang kapakanan ng iba?
'Di naman sinasabing wala nang pagkakataon ang mga nakapag-sayang na ng kanilang panahon at buhay sa larangan ng sining at kultura. Mahirap rin ngang tanggapin ang tipikal nang husga sa atin ng iba (laluna ng ilang mga nakatatanda) na nagsasayang lang tayo ng mga potensyal natin sa 'pa-art art na yan!' 'Di ba?
Ang totoo, walang 'age limit' ang pagbabago at pagtutuwid ng sarili kung totoong gugustuhin... sino ka man. Tao rin lang ang naglilimita sa atin kundi man tayo mismo sa ating mga sarili.
Marami ang rason, kung aalamin mo talaga, kung bakit gugustuhin mo at patuloy mong kailangang maging artista. 'Di mahirap intindihin. Buksan lang ang mga mata at ang kunsensya. Maraming mabigat na dahilan kung bakit gugustuhin nating humawak ng bolpen at papel... gitara at anupamang instrumento... ng kamera... ng pinta at canvass... ng mikropono... magtanghal sa entablado o kung ano pa.
Ang tao at ang mga reyalidad ng buhay nating mga Pilipino ang pinaka-lehitimong dahilan kung bakit kailangan mong ipahayag lahat ng iyong damdamin sa piniling larangan. Maraming kwento ang nasa paligid natin araw-araw. Maraming kulay at himig. At ang panahon ay ngayon na.
Tinanong mo na ba ang sarili kung bakit nariyan ka? Ano ang rason mo? Kung tama ba ang mga pinag-gagagawa mo? Kung gaano kalaki ang itinutulong mo sa kabutihan ng iba pa? Kung ano yaong nagawa mo na kahit paano, sakali mang bigla ka ring mawala na?
Ang bawat artista ay may kapangyarihan. Ang kapangyarihang ito ay ang katangi-tangi nating abilidad na maghubog ng kultura sa kalakhan. 'Di ba't napaka-laking responsibilidad? Kaya nga't mahalagang lagi nating batid kung tama ba o nakalalason ang ating ginagawa bilang mga alagad ng kultura... dahil maaari nitong sirain o payabungin ang diwa ng mga tao.
Mula sa araw na ito... umpisahan mo nang palagiang tanungin ang sarili kung paano mo magagawang makiambag sa ikabubuti ng pangkalahatan... sa larangan mo man lang. Ang totoo, maaari namang pagsabayin ang sarili at ang iba pa... kung gugustuhin.
Malaki man o maliit ang pinanghahawakan nating mga oportunidad sa buhay para makagawa ng buti, ang tanong naman talaga ay kung ginagamit natin itong pagkakataong ito. Madali kasi ang magsabi na ang dami pa nating mga prayoridad o problemang pansarili. "Bumibuwelo pa ako".
'Di naman talaga ito mauubos hangga't tayo ay nabubuhay.
'Di rin tayo mauubusan ng rason kung wala talaga tayong paki sa iba kundi sa sarili lang nating ikaiigi.
May nariyan ngang mga kumikita ng higit na higit pa sa pinagsama-samang kinikita ng mas maliliit na kasamahan sa larangan at 'di pa rin nakakaramdam ng sapat. Ang mga bulsa nila ay mabilis na napupuno sa paggawa ng walang saysay na mga gawain. Isang raket lang... ang halagang tinatanggap nila ay katumbas ng mahigit isang dekada nang aabuting pag-ipunan ng ilang kasamahan sa industriya.
Ang dami ring mga kaartehan sa sarili ang maaaring maging mababaw na rason para 'di maubusan ng pansariling mga interes.
Kaya kailan ka nga libre na?
Muli... anong aral nga ang mahahanap ko sa naging tagumpay at maagang pagkawala ni Marky?
Sa tingin ko, ay mas lalo akong naging pursigidong tuparin ang papel ko sa lipunan. Walang nakaaalam sa atin kung kailan tayo mawawala dito sa mundo. Ayokong isiping lilisan ako na wala akong iiwang ambag sa tunay na ikauunlad ng lipunan.
Mapalad si Marky dahil kahit sa pagkakataon lang ay naging isang malaking pangungusap para sa lahat ng mga katutubong Pilipino ang kanyang pinagmulan.
Ako? Anong kontribusyon ko? Tayong mga naririto pa at 'di pa ubos ang pagkakataon... anong magagawa natin? Pagdating ng panahon... papaano natin gustong maalala ng iba?
Artistang Pilipino... maglingkod tayo sa bayan. Ngayon na. Dinggin natin ang palahaw ng tambuli ng ating lipi.
Malaon nang nanganganib ang ating kultura at patuloy na lumulubha. 'Di Mo ba napapansin?
Baka kasi... naaaliw ka.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment